MEENATAUR'S PITHOS

Monday, January 30, 2012

Hanggang sa Muli


Lungkot. Hapis. Lumbay.
Luha. Patak… Agos... Buhos…
Mamaalam. Magpaalam. Namaalam. Paalam!

'Pang, ingat po...
Kaninang umaga ay namaalam na ang pinakamamahal na Papang ng aming kaibigan na si Olan. Sa kabila ng pagkaratay ni Papang, nabigla pa rin ako. Parang may malakas na pintong lumagabog at gumulat sa akin noong nabasa ko ang text ni Olan, “Wala na si papang…” Pinigil ko agad ang pag-iyak. Hindi pala, ayoko muna umiyak. Natigilan ako dahil hindi ko alam kung ano ang isasagot sa text na iyon. Condolences? O quote tungkol sa kagandahan ng buhay o tungkol sa kakayahan ng tao na maghilom ng sariling sugat? Bibigyan ko ba siya ng payo na kailangan niya kayanin at harapin ang lahat dahil bahagi iyon ng buhay? O aalayan siya ng kunsuwelo na si Papang ay nasa langit na, masaya at kasama na si Lord?
Tunay at makatwiran lamang kung bibigyan ko siya ng mga salitang nagpapahiwatig ng isa man sa mga ito. Pero batid kong alinman ay hindi sapat. Walang salitang sasapat at makapagpapaibsan ng hapis na bumabalot sa buong pamilya ni Papang ngayon, lalo na kay Olan (na maliban sa pagiging bunsong anak ay binata pa, kaya’t walang ibang masasandalan kundi si Mamang at ang mga ate at kuya niya). Kaya’t ang nasabi ko sa kanya, “Kahit isang timba na nailuha mo, hanggat may luha ka pa, ibuhos mo lang po. Bawat patak ng luha na iyan ay karapat-dapat lamang ialay sa Papang mo.”
Noong namatay si Nanay Leny na aking biyenan, akala ko ay hindi ako maiiyak. Ang tagal kasi niyang naratay kaya’t parang makatwiran lamang na siya ay magpahinga na. Isa pa, ang tatapang kasi ng kanyang mga anak, kaya’t kailangan din maging matapang. Dadalawa lang kasi silang magkapatid kaya’t naghuhugutan ng lakas, hindi pwedeng magpakita ng kahinaan ang isa, dahil magugupo ang isa. Pero sa kabila noon, hindi pa rin pala napipigilan ang luha para sa isang minamahal. Aagos at aagos pa rin.

Pero okey lang kahit mag-flashfloods pa, ang bawat pagluha ay katumbas ng pagmamahal ng lahat ng mga naiwan.

Masakit. Nasaktan. Pasakit.
Kahapon. Kanina. Mamaya. Ngayon.
Iniwan. Naiwan. Iwanan. Iwan. Wala na.
Hanggang sa muli, Papang...

2 comments:

  1. ngaun ko lang nabasa to!!!! whaaaaaaaa..pinaiyak mo ko ha!!!! :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. para kay Papang po kasi iyan, nakikibasa ka lang... (joke!) honestly, it's my own way of grieving for him...

      Delete