MEENATAUR'S PITHOS

Friday, July 29, 2011

Inflation Rate

Aym bak…. Na-miss ko mag-tagalog (o Filipino). Na-miss ko din ang mag-blog. Kaya nandito ulit ako. Kahapon, na-miss ko naman ang pagiging bata dahil sa inflation rate. Kinailangan ko kasi  ipaliwanag sa aking klase (sa Argumentation and Debate) kung ano ang inflation rate, dahil malaki pala ang kinalaman nito sa pagtaas at pagbaba ng ekonomiya ng bansa (katatapos lang kasi ng SONA ni PNoy kaya may hangover pa ako). Ang akala ko kasi, kapag mababa ang dolyar at mataas ang piso, maaayos na rin ang estado ng ekonomiya. Hindi pala ganun, dahil kailangang tingnan din ang kasalukuyang inflation rate sa bansa. Tatlong beses ko nang nababanggit ang inflation rate (pang-apat na ngayon), kaya hinanap ko na ang depinisyon sa net. Sabi sa Wikipedia, “In economics, the inflation rate is a measure of inflation, the rate of increase of a price index (for example, a consumer price index). It is the percentage rate of change in price level over time. The rate of decrease in the purchasing power of money is approximately equal.” Sabi naman ng Bangko Sentral, “Inflation Rate is the rate of change in the weighted average prices of goods and services typically purchased by consumers.”

Nosebleed ba? Lalo yata nakakalito. Basta ang naintindihan ko, ang inflation rate ay ang pagbaba ng halaga ng ating pera upang makabili ng mga produkto. Halimbawa, noong bata pa ako (mga 4-5), isang sentimo lang ang cherry ball, kaya kapag nakakita ako sa bulsa ng bag ni Nanay ng dalawa o tatlong pirasong barya na may mukha ni Lapu-lapu, tatakbo na ako sa kapitbahay at bibili ng babolgam. Kapag sinusuwerte at nakahingi ng singkong bulaklak, solb na ang bibig sa pagnguya ng 5 pirasong cherry ball na tatagal ng 3 – 4 na oras (at pagkatapos ay ididikit sa buhok ng kalaro kapag wala ng tamis, o kung may tamis pa ay ididikit muna sa pader at babalikan [yuck! gawain yan ng mga kalaro namin na sina Allan potpot at Bunso]). Ngayon ay 4 na pirasong cherry balls na lang ang mabibili  sa piso, na ibig sabihin ay beyntsingko na ang isa. Therefore, ang halaga ng piso noon ay iba na sa halaga ng piso ngayon dahil nga sa inflation.

Ayon pa sa nahanap kong info sa net, P8 - $1 ang palitan noon, habang P43 - $1 ang palitan ngayon. Ang araw-araw na baon ko noong grade school at P2, noong middle school ay P5 at noong high school ay P30 (kasama na ang lunch at pambayad sa tricycle na P6 sa umaga at P6 sa hapon). Malayong-malayo na ito sa baon ng mga estudyante ko ngayon na P70 - P100 isang araw.

At dahil nga sa paguusap tungkol sa inflation rate (paulit-ulit na ‘ko, wala bang synonym ito?), naalala ko na naman ang aming simpleng buhay-bata. Ilan sa mga pagkain na nabibili namin noon o madalas na inuuwi sa amin ng Tatay ko ay nasa ibaba. Ang mga presyo nito ay nagiba-iba na din, dahil syempre matagal din ako naging bata (mula 1985-1987 marahil ang mga presyo dito). Ang presyo naman ng ilang serbisyo noon ay nasa dulo ng listahan.

Pandesal                                                          10¢
Nognog                                                            10¢
Fishball                                                            10¢
Jelly Ace (2 beyntsingko)                                12.5¢
Putoseko (3 beyntsingko)                               
Nutriban                                                          25¢
Nutriban na may palaman                              35¢
ET (may libre pang laruan o pera sa loob)     25¢
Texas bubblegum                                            25¢
Tootsie Roll (maliit)                                        25¢
Expo Peanuts/Expo Coated                             25¢
Tira-tira                                                           25¢
White Rabbit (nakakain ang balat), Viva, Lipps  25¢
Chocnut                                                           25¢
Keso/Ube                                                         25¢
Pompoms                                                        50¢
Zebzeb                                                             50¢
Lechon Manok                                                 50¢
Bazooka bubblegum                                        50¢
Taho (isang malaking baso)                            P 1.00
Peewee (small)                                               P 1.00
Pinipig crunch ice cream                                P 1.00
Nips                                                                 P 1.00
Coca Cola 12 oz.                                              P 1.50
Jack and Jill Chippy, Cheese Curls                   P 2.00
Chickadees                                                      P 2.50
Tawag sa telepono                                          75¢
Pamasahe sa Jeep                                           P 1.00
Tiket sa sinehan                                              P 20.00

Marami pa rin sa mga pagkaing ito ang makikita sa mga tindahan ngayon. Ngunit katulad ng ibang kalaro namin noon, hindi pa rin lahat ng mga bata ay maaaring makabili ng pagkaing nanaisin nila. Sa kasalukuyan kasi, kaliwa't kanan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Mula pagkain, bigas, gasolina, pamasahe at marami pang iba. Habang nagmamahal ang presyo ng mga pangunahing produkto, patuloy ang pagbaba ng halaga ng piso. Kaya ang mga kawawang anak ni Juan, ni pandesal na P2 na ang isa ngayon ay hindi na natikman o matitikman pa.

Napaisip tuloy ako ng malalim. Nais ko sanang tanungin si PNoy kung may maitutulong ba ako, pero dahil alam kong hindi siya makakasagot, ginoogle ko na lang ang sagot. At ito ang aking natuklasan: Ang tanging solusyon sa implasyon ay ang pagtangkilik ng mga lokal na produkto.

Kaya naman pala mas maraming nabibili noon sa P5 baon ko, hindi pa gaanong mataas ang inflation rate. Wala pang mga ukay-ukay. Wala pang mga malls na nagbebenta ng signature clothing, signature bags, signature shoes, signature perfumes, signature chuchu… At higit sa lahat, hindi pa kasi uso ang mga “MADE IN CHINA.” Lahat na yata ng bagay dito sa Pilipinas ngayon ay made in China. Napatambling ako ng makita ko na sina Barbie at Hello Kitty ay made in China na (kelan pa naging Intsik ang blonde na si Barbie at ang pusang si HK?). Pero at least, simple lang pala ang solusyon sa problema natin. Ang tanong na lang ay: Kakayanin ba ng mga simpleng Pinoy na mamuhay na hindi nakikipagsiksikan sa ukay o bibili ng kahit anong made in China? Kakayanin ba ng mga mayayamang Pinoy na hindi bumili ng signature products?

(Eggheads, kung halos lahat ng bagay ay gawa sa China, may mabibili kayang matinong lider na made in China? Yung mataas ang kalidad ha? At dumaan sa masusing quality check kaya walang damage. Kung meron, pabili nga ng sampu. Size 9 lahat, color beige. Tawad na yung isa, may nisnis.)

3 comments:

  1. sobrang nakakarelate ako jan..hehehehehe....basta ako mag mimigrate tapos!!! kahit pa sa Sudan makaalis lang ng Pinas..heheheh:)

    ReplyDelete
  2. isang madetalyeng pagpapaliwanag at punong puno ng emosyon :) hehe.. :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. salamat sa koment... eksaherada lang talaga ako minsan... c:

      Delete