MEENATAUR'S PITHOS

Showing posts with label tagalog. Show all posts
Showing posts with label tagalog. Show all posts

Wednesday, July 11, 2012

KOMENTS


Hindi madali ang magturo. Ang mga guro ay kadalasang maganda, maayos at mabango bago pumasok sa kanilang klase. Ngunit sa gitna ng isang makabagbag-damdaming leksyon, nagbabagong anyo ang isang guro. Kapag nasa loob na ng klase: Tagaktak ang pawis. Basa ang kili-kili. Talsik pati ang laway. Puro pulbos ng yeso ang mukha. Nangangalit ang mga ugat sa leeg. Tuyo na ang labi at lalamunan. Pigang-piga ang utak. Said na said ang pasensya.

Anumang istilo ng pagtuturo at pambobola ang gamitin ng isang guro, ito pa rin ang karaniwang ending: karamihan sa mga bata sa klase ay nakanganga. Hindi ko alam kung napanganga sa kahusayan ng pagtuturo ng guro, o napanganga sa pagkamangha sa mga bagong aral na natutunan o sadyang nakanganga lang dahil walang naintindihan. Ang mas malala, maghapon na ngang nakanganga, umaangal pa.

Kapag binigyan ng takda: “Ang hirap naman”
Kapag sinaway: “Ang higpit naman”
Kapag pinagbawalan: “Ang KJ naman”
Kapag pinagalitan: “Ang sungit naman”
Kapag nahuli: “Ang malas naman”
Kapag naparusahan: “Ang bad trip naman”
Ilan lang ang mga ito sa madalas na komento ng mga kamote – este, estudyante. (kung makapag-comment, kala mo nag-effort ng bongga…)

Kung imbentor lang ako (yan ay KUNG), magiimbento ako ng robot na guro na may mga nakarecord nang instant comments maliban sa ‘Very Good!’ o ‘Mahusay!’ (Makabawi man lang… harhar!)

Kapag tinawag at nakasagot: “Ang galing naman”
Kapag tinawag at nakasagot pero mali: “Ang hina naman”
Kapag tinawag at matagal nakasagot: “Ang arte naman”
Kapag tinawag at hindi nakasagot: “Ang engot naman”
Kapag binigyan ng direksiyon at nakasunod: “Ang attentive naman”
Kapag binigyan ng direksiyon at nagtanong ulit: “Ang bungol naman”
Kapag binigyan ng direksiyon at hindi sinunod: “Ang slow naman”
Kapag nagpasa sa oras: “Ang sipag naman”
Kapag hindi nagpasa: “Ang tamad naman”
Kapag hindi nagsasalita: “Ang  lowbat naman”
Kapag salita nang salita: “Ang epal naman”
Kapag nangopya: “Ang kapal naman”
Kapag nangopya sa harap ng guro: “Ang malas mo naman”


Yun nga lang, hindi naman mangyayari ito. Kasama kasi sa mga karakter na inaasahan sa isang guro ang pagiging pasensyosa, maunawain at mapaggabay sa mga bata, maging mabait o makulit man sila, masipag o pasaway, tahimik o maingay, matalino o kulang sa talino. Kaya kahit ubos na ang pasensya ng isang guro, nakangiti pa rin siya (bumigay na yata...).

Pasalamat kayo, guro ako... at hindi imbentor.

Saturday, June 18, 2011

SUPERHERO

Father’s Day na bukas at para sa amin, ito ay hindi lamang simpleng paggunita sa aking Tatay. Isa itong araw na aming ipagdiriwang na parang kaarawan din niya. Siyempre, may cake, pansit at regalo (at lobo daw sabi ng pilya niyang apo na si Ganda). Wala pa akong naiisip na regalo, ngunit maliban sa mga manok niyang panabong, red wine o Chivas lang ang nagpapasaya sa Tatay ko.
Taon-taon ay nakaugalian na namin ang ganitong salo-salo tuwing araw ng mga Ama. Iba na kasi ang nagiipon… nagiipon ng magagandang alaala upang pagdating ng araw na kukunin na siya, marami na akong baon. Masakit mawalan ng magulang, pero mas masakit mawalan ng magulang na hindi napagbuhusan ng panahon at atensyon. Ayokong umiyak kapag nawala na siya nang dahil sa pagsisisi. Iiyak ako dahil mami-miss ko siya.
Animnapu’t anim na si Tatay noong Pebrero, isang malaking milagrong maituturing para sa akin. Bata pa lang ako ay alam ko nang may sakit siya sa puso. Nine years old ako nang siya ay ma-stroke at muntik nang maparalisa. Nagdasal ako noon na huwag muna siyang kunin at sana ay makita man lang niya akong makatapos sa elementary, at nakatapos naman ako na kapiling siya. Ngunit isang buwan bago ako magtapos sa high school, inatake na naman siya. Akala ko ay hindi na ako muli pang mapagbibigyan sa aking dasal, pero nakatapos pa rin ako kasama siya. At noon ngang makatapos ako sa kolehiyo, dalawa sila ng nanay ko na naluluha habang pinapanood akong nagsasalita sa entablado. At hanggang sa ngayon na ako ay nagkaroon na nga ng pamilya, andito pa rin si Tatay, walang kasawa-sawa sa pag-agapay. (ang apo naman niyang si Ganda ang nagdarasal ngayon na sana ay si Tatay pa rin ang maghatid sa kanya sa pagtatapos niya sa elementarya.)
At dahil nga Father’s Day, may tula akong ginawa – sa tulong ni Ganda – para sa aking Tatay. Alam kong mababasa niya ito dahil maliban sa pagtetext at paggamit ng cellphone, marunong din siyang mag-surf sa internet (at paborito niyang maghanap ng mga lumang kanta sa youtube).
Happy Father’s day, Tatay!!!

LOLO MAX

Mayroon akong sikreto: ang Tatay ko ay superhero,
Superherong walang kapa at hindi maskulado,
Walang armas na panlaban, o sidekick na aso,
Walang extra powers, wala ring trono.

Wala siyang x-ray vision gaya kay Superman,
Wala siyang bat mobile gaya kay Batman,
Wala siyang web shooter tulad kay Spiderman,
Ngunit siya ay superhero kahit walang kalaban.

Superhero si Tatay sa kanyang paraan,
Mahinahon, malumanay, malawak ang kaisipan,
Mapagpasensya, palakaibigan, at maunawain,
Mabait, masipag at tunay na matiisin.

Ang Tatay ko ngayon, ang buhok ay puti na,
Ang mukha, noo’t leeg ay marami ng linya,
Tuhod ay may rayuma, mahina na ang tenga,
Ngunit mas naging mapagmahal na Lolo at Ama.

Para sa aking Tatay, sa Diyos ako’y humihiling
Dagdagan ang kanyang buhay, mga taon nya’y pahabain,
Sa mas maraming panahon, siya’y aming makapiling,
Ang panalangin kong ito, sana’y Kanyang dinggin.


Maligayang araw sa mga mababait na ama, katulad ng aking Tatay…

Friday, June 17, 2011

LARO, KALARO, KALARUIN

Matagal-tagal na rin mula nang ako’y magsulat dito sa Tagalog. Ilang araw na rin akong kinukulit ng limang taong gulang na alaga ko na magsulat ng kwento. Gusto nya kasing mabasa ang mga kwento ko sa kanya gabi-gabi, minsa’y tungkol sa mga childhood adventures naming magkakapatid, minsan naman ay sa mga childhood adventures ng aking tatay at nanay.

Kahapon, habang pinapaliguan ko siya bago pumasok sa school at pinapaalalahanan na magpakabait at makinig sa guro dahil Grade 1 na siya, tinanong nya ako kung mababait ba kaming bata noon. Medyo inaantok pa ako kaya sinagot ko sya ng “oo.” Ang tanging naging reaksyon nya sa akin ay “Weh??” Natawa ako sa malditang sagot ng pilyang bata. Pero noong gising na ang diwa ko, naisip kong tila mali nga yata ang naisagot ko. Hindi kasi kami mabait. Oo, mababait kaming anak, pero hindi kami mababait na kalaro. Kaya nga wala ako ni isang childhood friend na hinanap ako sa facebook para i-invite as friend o magfollow man lang sa akin sa twitter kahit wala naman akong twitter account. In defense, ‘di ko rin naman sila hinanap, no?! Di ko kasi alam ang tunay na mga pangalan nila.

Marami kaming kalaro noon, karamiha’y mga batang madudungis na inaapi namin. Dalawang pamilya lang ang may TV sa lugar namin at isa kami doon kaya marami ang nakikinood sa aming bahay. (WARNING: Kung gusto ninyong malaman ang mga kwento nila ay tapusin nyo ang pagbasa sa post na ito. Kung kayo naman ay kumakain at ayaw ninyong bumaligtad ang sikmura na parang laseng ay ihinto nyo na ang pagbabasa. Para sa mga interesado pero ayaw ng mga ewww! at yuck! na bagay, bahala na kayong i-edit at i-bleep ang lahat ng mga ewww! at yuck! na salita.)

Luksong-tinik
(filipinolifeinpictures.net)
 Isa sa mga madalas naming kalaro noon ay sina Buroy at Bunso na mga anak ni Aling Lydiang-sapi. Sila ay magkapatid na sipunin na palaging hubad at punong-puno ng itim na linya ang mga leeg at kili-kili (eww!), na madalas gusto sumali sa aming mga laro pero iyakin naman at parang sirena ng ambulansya ang mga bibig kapag ngumawa. Ayaw namin sila kalaro dahil para silang spitting cobras na nandudura (yuck!) kapag nagagalit. Nang minsan naglalaro kami ng sumpit (na ang ginagamit na bala ay buto ng munggo), nandadaya ang magkapatid dahil kapag wala na silang pambala ay mambabato na. Kaya nang ma-korner namin sila ay pinagsusumpit sila ng kapatid kong si Taniboy nang walang humpay hanggang sa maubusan ng pambalang munggo. Siyempre, bilang supportive na ate ay umuwi agad ako at humanap ng pambala. Nang wala akong makita, dumampot ako ng  diyaryo at iyon nga ang nginuya ni Taniboy (hindi ko pa alam noon na masama pala sa kalusugan ang pagkain ng papel, lalo na kung walang sawsawan) at ipinang-sumpit kay Bunso. Nang matapos ang labanan at lumabas mula sa eskinita sina Bunso at Buroy, para silang mga dressed chicken na nagka-chicken pox. At iyon na nga ang naging simula ng aming awayan – walang katapusang batuhan, habulan, suntukan at siyempre spitting (inedit ko na, nakakadiri kasi talaga) – na natapos lamang nang sila ay lumipat na ng bahay.

Piko
(filipinolifeinpictures.net)
May isa pang grupo ng magkakapatid na madalas ay amin ding nakakalaro, kahit ayaw nila kami kalaro. Sila ay sina Ritang Beke, Noneng Palaka at Pepeng Tahong (actually, kami lang magkapatid ang nagbansag nun sa kanila). Si Rita ang mas matanda na palaging may bitbit na sanggol na kapatid at palaging asul ang pisngi dahil sa tina (blue dye) na sa likod ng tenga nya na gamot daw sa beke. Sumunod sa kanya si Noneng na komang na ay kuba pa ang dibdib at madalas din may beke kaya tinawag siyang palaka. Panghuli si Pepeng na laging namumutiktik ang ilong sa natuyong sipon at lagi naming nakakalaro ng piko at kalog-tansan, at palaging nakapalda pero walang suot na panty. Kaya kapag nagkakalog-tansan kami ay madalas sinasadya namin na mapunta ang tansan sa loob ng palda nya para umuwi muna sya at magsuot ng short. Pagbalik niya ay nakasuot na nga siya ng short… na butas. Kaya aasarin na naman namin siya hanggang sa magsawa na siyang makipaglaro. Ganoon kami palagi, makikipaglaro, mangaasar tapos ayawan na. Kahit na lumipat na kami ng bahay, nagkikita pa rin kami nila Rita dahil malapit lang sila sa nilipatan namin. Pero kapag nagkikita kami, hindi nila kami pinapansin magkapatid, dahil Noneng Palaka at Pepeng Tahong pa rin ang tawag namin sa kanila.

Ang pinaka-madalas naming ‘kalaruin’ noon ay si Allan Potpot (minsan Allan Liit o Allan Galis ang tawag namin) isang batang punong-puno ng galis-aso ang katawan (eww!) at madalas ay may tumutulong condensada sa tenga (yuck!). Ayaw naming siya kalaro dahil talaga namang parang may nakatapak ng TNT (tunay na bleep-bleep) tuwing nandyan siya, pero dahil naawa ang nanay ko sa kanya at sa kapatid nyang si Jasmin – na isang mestiza ngunit sipuning bata na nagsusugat na ang ilong sa pag-up and down ng sipon – wala kaming magawa kundi papasukin sila sa sala para makinood ng Carebears, He-Man, Voltez-V o Voltron. Tuwing mangyayari yon, miserable ang buhay naming magkapatid hindi lang dahil sa amoy na tinitiis namin kundi sa pandidiri sa kakaibang habit ni Potpot na gawing popcorn ang kanyang dried skin wounds (major yuck!!!). At siyempre, hindi kami papayag na kami lang ang miserable, sila din dapat (nyahahaha-hak!). Kaya, habang nagluluto si Nanay sa kusina at kami ay nakaupo sa sofa, pinagmamasdan naming mabuti ang dalawang kapitbahay at pinaplano ang mga susunod na galaw. Kukuha ng tingting ng walis si Taniboy at lalagyan ng upos (cigarette butt) ang dulo, at dahan-dahan isusulot sa tenga ni Potpot. Maiinis sila at magagalit pero hindi pa rin sila aalis. Kapag wa epek ang upos, kukuha kami ng pulbo at paliliguan sila sa ulo. Kung hindi pa rin effective, titiradurin namin sila ng hilaw na alatris o kaya ay magtatatakbo at magsasasayaw sa harap ng TV o kaya ay papatayin na naming tuluyan ang TV, kaya aalis na sila (tagumpay!).  

Sago't Gulaman
(filipinolifeinpictures.net)
Paglabas ni nanay mula sa kusina, magugulat na wala na sina Allan at Jasmin, at sasabihin naman namin na ‘tapos na po kasi ang palabas.’ Pero hindi naman naming palaging sinasalbahe ang magkapatid. Minsan ay kusa din namin sila tinatawag para makalaro (kapag inayawan na kami kalaruin nila Buroy, Bunso, Rita, Noneng at Pepeng) at kapag ayaw nila ay bibili kami ng bente-singkong cherry balls (5 piraso ang singko noon) at bibigyan sila, o kaya naman ay papainumin sila ng sago’t gulaman na ginawa ni Nanay. Papayag na ang magkapatid, yun nga lang, kami ang bida at sila ang mga kalaban kaya bugbog na naman sila. Natapos lang ang kanilang kalbaryo nang kami ay lumipat na nga ng bahay.

Huli kaming nagkita ng mga kalaro namin sampung taon na ang nakalipas. Alam ko na hindi nila kami na-miss man lang, maliban sa mga cherry balls, ET (chichirya na may papremyong pera at laruan sa loob), Pee Wee at Nips na naibibigay namin sa kanila. Pare-pareho kami nagkahiyaan sa aming muling pagtatagpo – kami ay hindi nakalapit sa kanila dahil sa mga masasamang ginawa namin noon, at sila naman ay hindi makalapit sa amin dahil marahil sa takot na i-bully na naman namin sila.

Aaminin kong habang sinusulat ko ito ay natatawa ako sa aming mga kalokohan. Pero matagal ko na naisip na mali ang mga ginawa namin noon. Hindi man ako nakahingi ng tawad sa aming mga naging kalaro, at least inamin ko pa rin sa sarili ko na hindi tama ang mga ipinakita namin sa kanila. Kung mababasa lang nila ang post na ito, may message ako para sa lahat ng mga pinaglaruan naming kalaro: Salamat. Salamat dahil kayo ang naging praktisan namin sa buhay. Kayo ang naging inspirasyon namin para magtagumpay. Hindi na kami nangbu-bully ngayon, pero hindi naman kami nagpapabully (subukan lang!).

Kaya ang moral lesson ng kwento natin ngayong araw: Upang magtagumpay, huwag manlulugi o manlalamang pero huwag din naman  magpapalugi sa iba. Bata pa ay magpraktis na. Siguraduhin nyo lang na hindi kayo ang pagpapraktisan.




Thursday, May 5, 2011

DIVINE LESSONS

I was browsing the net the other day (looking for quotes about mothers) when I came across a site titled “Things My Mother Taught Me.” It was funny but honest, and I realized my mother wasn’t as unique as I thought. The writer is presumably American, yet her experiences are almost like mine. So I made my own list of some of the knowledge I learned from my mother, Divina.

Nanay taught us:

1.   About Jesus, Mary and Joseph
“Suusssmaryooooosep! Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, wala kayong iniakyat dito sa bahay kundi kalat!”

2.   How to pray
“Sinabi ko na’ng huwag kang lalabas, ‘di ba?! Kapag hinarap kita, magdasal ka na!”

3.   The Golden Rule
“Paiyakin mo ang kapatid mo, para ikaw naman ang paiyakin ko!”

4.   Gratitude
“Magpasalamat nga kayo at ako ang nanay nyo. Ang dami-daming batang nanggigitata at pakalat-kalat sa kalye na pinababayaan ng magulang!”

5.   How to count
“Pag bilang ko ng tatlo at hindi mo pa nililigpit mga laruan mo, aabutan ka sa akin. Isa! Dalawa! Dalawa’t kalahati! Tat…….lo! Boinnnngggg!!!

6.   How to add
“Kahapon ka pa, apat na kasalanan mo. Isa na lang, tatamaan ka na!”

7.   How to subtract
“Kapag hindi nabawasan ang basura sa kwarto, may kalalagyan kayo.”

8.   How to get excited
“Hindi ka tatahan? Antayin mo pag-uwi natin… antayin mo lang!”

9.   About Zoology
“Amoy-kabayo na kayo sa katatakbo!”
“Ang lilikot niyo, para kayong bulate!”
“Ano ba yang buhok mo? Parang pugad ng ibon?”
“Itikom mo yang bibig mo, para kang baka kung umiyak.”

10.Acrobatics
“Tingnan mo ‘yang likod mo, nanlilimahid!”

11.Biology, specifically, Heredity
“Manang-mana kayo sa pinagmanahan nyo, perhuwisyo!”

12.First-aid
“Sipsipin mo ang sugat mo para tumigil ang pagdugo.”
“Ilagay mo ang buhok mo sa bukol, saka mo hipan para hindi umumbok.”
“Kumain ka kasi ng malansa kaya namaga yang sugat mo.”
“Lagyan ng diyaryo ang likod para hindi ubuhin.”

Happy Mother’s Day, Nanay!

(Okay, eggheads, today, we will have a writing activity. Write a short poem about your mother, composed of 2 quatrains with the rhyme scheme aabb, ccdd.)

Thursday, April 28, 2011

SIMUNO AT PASIMUNO: Ang Wonder Ate


Wonder Woman
(image courtesy of tvacres.com)
Hindi normal ang aking pagkabata. Lumaki ako na maraming bawal – tumalon, lumundag, lumukso, tumakbo, tumambling, umakyat sa puno ng alatris, mag-chinese garter, mag-aylabyu tilibert, mag-shake shake shampoo at marami pang ibang larong pisikal at may pisikalan. 

Santan

Naikwento ko na ang tungkol sa paglalaro ko ng boka-boka. Isa lamang iyon sa mga pwede kong laruin, kasama ng iba pang ‘mahinahon’ gawain tulad ng paggawa ng palobo (bubble mixture) mula sa dinikdik na gumamela at tide, makipag-sumpitan ng munggo sa mga anak ni Aling Lydiang-sapi (isang bungangerang kapit-bahay na parang laging sinasapian ng masamang ispiritu), manirador ng mga nakakulong at kaawa-awang manok na panabong ni Mang Jaime (mga bata, bad yun!), magdala ng walis tingting habang nag-aabang ng dadapong tutubi (napakadaling makahuli ng tutubing karayom1 (damselfly pala sa English) ngunit napakahirap naman humuli ng tutubing pula at tutubing kalabaw (dragonfly), maghanap ng santan at sipsipin ang nektar, magpalobo ng Bazooka bubble gum (at pagkatapos ay idikit sa buhok ng kaaway kapag wala ng tamis, hehehe!), gumawa ng kwintas at pulseras na gawa sa dahon ng kamoteng-kahoy (na minsan ay ginagamit din pangkulot ng buhok), magkabit ng hikaw na gawa naman sa dahon ng kaimito, manghuli ng gagamba at paglabanin sa tingting, magpatanggal ng kuto at lisa kay nanay at Aling Gonyang at marami pang ibang mapaglilibangan na hindi ako kailangang pagpawisan.
 
Maraming ipinagbabawal na laro sa akin hindi dahil sa suminghot ng solvent ang nanay ko at pinagtritripan lang ako, kundi dahil sa isang sakit na tinatawag na epistaxis o pagdurugo ng ilong. Hindi balinguyngoy (na nangyayari lamang tuwing mainit) ang tawag sa kondisyon ko. Ang kalagayan ko ay dala ng pagkasira ng mga ugat sa aking ilong dahil sa ilang mga aksidente na kagagawan ng kapatid ko. Oo, wala akong ibang masisi kundi ang kapatid ko (maliit pa ang bunso namin noon kaya hindi pa namin siya nakakalaro).

Isang taon lang ang tanda ko sa kanya at kami ay palaging magkasama dahil number 1 fan ko sya. Bilib na bilib siya sa lahat ng ginagawa ko at lahat naman ng ipinagagawa niya ay ginagawa ko (of cors, Ate nga ako kaya kinakaya ko lahat). Incident 1: Minsang kumakain kami ng mani, ipinagyabang ko sa kanya na kaya ko ipasok sa loob ng ilong ko ang isang butil. Siyempre, hindi ako tumanggi noong hinamon nya ako. Sa kasamaang-palad, hindi ko na mailabas ang butil kaya’t dinala na ako ni nanay sa ospital. Incident 2: Pagkalipas ng isang taon, ipinamalas ko ulit sa kanya ang aking kahusayan nang ipasok ko na naman ang bead ng ponytail sa ilong ko. Nailabas ko naman ang bead, pero halos kalahating-araw na dumudugo ang ilong ko. Incident 3: Matagal na kami may secret magkapatid, dahil inamin na niya sa akin na siya si Kapitan Kidlat at inamin ko naman sa kanya na ako si Wonder Woman at ipinakita ko pa ang costume na nakatago sa drawer ng aparador. Kaya isang umagang maglalaro ng basketball si tatay ay sumama kami. Para mapanood ang laro ni tatay, tumuntong kami sa stage na ginawa para sa mga announcer ng liga na ginaganap sa gabi. At dahil mataba ang utak ng kapatid ko, naisip niya na iyon ay pagkakataon para patunayan ko sa kanya na ako nga si Wonder Woman. Pinatatalon niya ako mula sa stage hanggang sa ibaba na nasa 10-12 feet ang taas! Kahit nalulula, umikot-ikot muna ako bago tumalon, kaya tumama ang noo ko sa semento pagbagsak dahil sa pagkahilo. At muli na namang dumugo ang ilong ko nang walang humpay.

At doon na nga nagsimula ang aking kalbaryo. Sa tuwing maaalog ang ulo ko, dumudugo ang ilong ko (pero naging henyo naman ako dahil sa pagkabagok). Hanggang noong high school, madalas pa din ako mag-nose bleed, hindi lang dahil sa kakaibang kondisyon ko, kundi dahil na rin sa mga polynomials, tangents, velocity at maraming pang ibang kailangang i-compute. Hindi naman ako nagsisisi sa mga insidenteng nagpatunay na ako ay isang mabuting Ate. Kaya ako pa rin si Wonder Woman hanggang ngayon - maganda, matapang, mabait, matulungin at higit sa lahat, seksing-seksi…

Anong eeewwww? Walang kokontra! Ang kumontra hindi exempted sa pagsusulit ngayong araw tungkol sa simuno, ang gumagawa ng kilos at gawa o pinaguusapan sa pangungusap.

Tutubing Karayom
(image courtesy of focusonnature.com)

1 may kanta ako habang nanghuhuli ng tutubing karayom para hindi sila lumipad palayo: “Tutubing karayom, nahulog sa silong, tinuka ng ibon, natira’y bulutong.” Effective yan. Try mo. 

Wednesday, April 27, 2011

Pangngalan: BOKA-BOKA AT SARANGGOLA



Noong bata pa ako, madalas ako maglaro ng boka-boka. Yun lang kasi ang pwede ko paliparin dahil hindi ako puwedeng umakyat sa bubong ng aming bahay at magpalipad ng saranggola dahil babae daw ako (isa sa mga turo ni nanay). Ang dalawang kapatid kong lalaki ay palaging namumutiktik sa pawis at nagaamoy-kabayo dahil sa  katatakbo habang nakikipag-kalembangan sa ibang bata (kalembangan - nakikipagkiskisan ng sinulid ng saranggola, ang maunang mapatid, talo), habang ngawit na ngawit naman ang leeg ko sa katatanaw ng mga nagtatayugan nilang saranggola (na ang ginagamit na kiling ay ang cherryball na wala ng tamis na iniluwa ko).

Pero hindi ako natutuwa magboka-boka dahil madali itong masira, gawa lang kasi sa papel (na kadalasan ay pad paper) na tinupi-tupi at nilagyan ng sinulid. Sa oras na ihagis ko ito, ilang segundo lang na lulutang-lutang pagkatapos ay mahuhulog na uli sa lupa. Minsan naman, kapag malakas ang hangin ay sira agad. Kaya't kapag nakatulog na ang nanay ko, kakaripas na ako ng takbo para magpalipad na rin ng saranggola.

Isang hapon, noong grade 5 na ako, nagpapalipad ulit kami ng dalawang kapatid ko ng saranggola sa isang bakanteng lote malapit sa aming bahay. Nakikipagpustahan kami noon ng kalembangan. Bilang mabuting ate, sumusuporta ako sa aking mga kapatid. Pinagsama-sama namin ang mga nakupit na singkwenta sentimos at pinambili ng leteng, glue at itlog.Tinulungan ko silang patibayin ang leteng ng aming pambatong saranggola, minarinate namin sa mixture ng glue, puti ng itlog at dinurog na fluorescent lamp. (Hindi ko pa alam noon kung gaano kadelikado ang ginagawa namin. Salamat na lang at buo pa naman ang mga daliri namin hanggang ngayon.)

At ito na nga, masusubok na ang tapang ng aming pambato. Bilang pinakamatangkad, ako ang tagahagis ng saranggola. Buong lakas ko ibinato ang saranggola pataas, sa sobrang lakas parang naihi ako. Kumaripas na naman ako pauwi sa bahay upang magbanyo muna at babalik din agad upang i-cheer ang mga kapatid ko sa kanilang 'laban.' Kaya lang, hindi na ako nakabalik at nakita kung paano kumalembang ang saranggola ng mga kalaban dahil pagdating sa banyo, natakot ako sa aking nakita. Tinawag ko agad ang nanay ko at ipinakita ang kinatatakutan. Ang sabi lang nya ay dalaga na raw ako. Hindi na pwede magtatakbo, hindi na pwede magbuhat ng mabigat, hindi na pwede makipaglaro sa ibang batang lalaki at marami pang ibang bagay na hindi na pwedeng gawin.

At iyon na nga ang huli kong pagpapalipad ng saranggola. Balik boka-boka na lang ulit ako.

Dahil ito ay unang leson natin sa Filipino, wala muna tayo pagsusuri, seatwork lang. Kaya kunin ang kwaderno at isulat ang lahat ng pangngalang makikita sa kwento sa itaas. Bilis na!
(Photo courtesy of craftzine.com)