Father’s Day na bukas at para sa amin, ito ay hindi lamang simpleng paggunita sa aking Tatay. Isa itong araw na aming ipagdiriwang na parang kaarawan din niya. Siyempre, may cake, pansit at regalo (at lobo daw sabi ng pilya niyang apo na si Ganda). Wala pa akong naiisip na regalo, ngunit maliban sa mga manok niyang panabong, red wine o Chivas lang ang nagpapasaya sa Tatay ko.
Taon-taon ay nakaugalian na namin ang ganitong salo-salo tuwing araw ng mga Ama. Iba na kasi ang nagiipon… nagiipon ng magagandang alaala upang pagdating ng araw na kukunin na siya, marami na akong baon. Masakit mawalan ng magulang, pero mas masakit mawalan ng magulang na hindi napagbuhusan ng panahon at atensyon. Ayokong umiyak kapag nawala na siya nang dahil sa pagsisisi. Iiyak ako dahil mami-miss ko siya.
Animnapu’t anim na si Tatay noong Pebrero, isang malaking milagrong maituturing para sa akin. Bata pa lang ako ay alam ko nang may sakit siya sa puso. Nine years old ako nang siya ay ma-stroke at muntik nang maparalisa. Nagdasal ako noon na huwag muna siyang kunin at sana ay makita man lang niya akong makatapos sa elementary, at nakatapos naman ako na kapiling siya. Ngunit isang buwan bago ako magtapos sa high school, inatake na naman siya. Akala ko ay hindi na ako muli pang mapagbibigyan sa aking dasal, pero nakatapos pa rin ako kasama siya. At noon ngang makatapos ako sa kolehiyo, dalawa sila ng nanay ko na naluluha habang pinapanood akong nagsasalita sa entablado. At hanggang sa ngayon na ako ay nagkaroon na nga ng pamilya, andito pa rin si Tatay, walang kasawa-sawa sa pag-agapay. (ang apo naman niyang si Ganda ang nagdarasal ngayon na sana ay si Tatay pa rin ang maghatid sa kanya sa pagtatapos niya sa elementarya.)
At dahil nga Father’s Day, may tula akong ginawa – sa tulong ni Ganda – para sa aking Tatay. Alam kong mababasa niya ito dahil maliban sa pagtetext at paggamit ng cellphone, marunong din siyang mag-surf sa internet (at paborito niyang maghanap ng mga lumang kanta sa youtube).
Happy Father’s day, Tatay!!!
Happy Father’s day, Tatay!!!
LOLO MAX
Mayroon akong sikreto: ang Tatay ko ay superhero,
Superherong walang kapa at hindi maskulado,
Walang armas na panlaban, o sidekick na aso,
Walang extra powers, wala ring trono.
Wala siyang x-ray vision gaya kay Superman,
Wala siyang bat mobile gaya kay Batman,
Wala siyang web shooter tulad kay Spiderman,
Ngunit siya ay superhero kahit walang kalaban.
Superhero si Tatay sa kanyang paraan,
Mahinahon, malumanay, malawak ang kaisipan,
Mapagpasensya, palakaibigan, at maunawain,
Mabait, masipag at tunay na matiisin.
Ang Tatay ko ngayon, ang buhok ay puti na,
Ang mukha, noo’t leeg ay marami ng linya,
Tuhod ay may rayuma, mahina na ang tenga,
Ngunit mas naging mapagmahal na Lolo at Ama.
Para sa aking Tatay, sa Diyos ako’y humihiling
Dagdagan ang kanyang buhay, mga taon nya’y pahabain,
Sa mas maraming panahon, siya’y aming makapiling,
Ang panalangin kong ito, sana’y Kanyang dinggin.
Maligayang araw sa mga mababait na ama, katulad ng aking Tatay…
Happy Fathers Day tay,gawa ni ate at ni andrea yang tula na yan..
ReplyDeletenakaka touch naman to..hay namimiss ko na si tatay...
ReplyDeletehugs to your dad....cheers to all great Fathers!!!
ReplyDeleteI am so lucky to have one of the greatest Fathers in the world...
ReplyDelete