Matagal-tagal na rin mula nang ako’y magsulat dito sa Tagalog. Ilang araw na rin akong kinukulit ng limang taong gulang na alaga ko na magsulat ng kwento. Gusto nya kasing mabasa ang mga kwento ko sa kanya gabi-gabi, minsa’y tungkol sa mga childhood adventures naming magkakapatid, minsan naman ay sa mga childhood adventures ng aking tatay at nanay.
Kahapon, habang pinapaliguan ko siya bago pumasok sa school at pinapaalalahanan na magpakabait at makinig sa guro dahil Grade 1 na siya, tinanong nya ako kung mababait ba kaming bata noon. Medyo inaantok pa ako kaya sinagot ko sya ng “oo.” Ang tanging naging reaksyon nya sa akin ay “Weh??” Natawa ako sa malditang sagot ng pilyang bata. Pero noong gising na ang diwa ko, naisip kong tila mali nga yata ang naisagot ko. Hindi kasi kami mabait. Oo, mababait kaming anak, pero hindi kami mababait na kalaro. Kaya nga wala ako ni isang childhood friend na hinanap ako sa facebook para i-invite as friend o magfollow man lang sa akin sa twitter kahit wala naman akong twitter account. In defense, ‘di ko rin naman sila hinanap, no?! Di ko kasi alam ang tunay na mga pangalan nila.
Marami kaming kalaro noon, karamiha’y mga batang madudungis na inaapi namin. Dalawang pamilya lang ang may TV sa lugar namin at isa kami doon kaya marami ang nakikinood sa aming bahay. (WARNING: Kung gusto ninyong malaman ang mga kwento nila ay tapusin nyo ang pagbasa sa post na ito. Kung kayo naman ay kumakain at ayaw ninyong bumaligtad ang sikmura na parang laseng ay ihinto nyo na ang pagbabasa. Para sa mga interesado pero ayaw ng mga ewww! at yuck! na bagay, bahala na kayong i-edit at i-bleep ang lahat ng mga ewww! at yuck! na salita.)
Isa sa mga madalas naming kalaro noon ay sina Buroy at Bunso na mga anak ni Aling Lydiang-sapi. Sila ay magkapatid na sipunin na palaging hubad at punong-puno ng itim na linya ang mga leeg at kili-kili (eww!), na madalas gusto sumali sa aming mga laro pero iyakin naman at parang sirena ng ambulansya ang mga bibig kapag ngumawa. Ayaw namin sila kalaro dahil para silang spitting cobras na nandudura (yuck!) kapag nagagalit. Nang minsan naglalaro kami ng sumpit (na ang ginagamit na bala ay buto ng munggo), nandadaya ang magkapatid dahil kapag wala na silang pambala ay mambabato na. Kaya nang ma-korner namin sila ay pinagsusumpit sila ng kapatid kong si Taniboy nang walang humpay hanggang sa maubusan ng pambalang munggo. Siyempre, bilang supportive na ate ay umuwi agad ako at humanap ng pambala. Nang wala akong makita, dumampot ako ng diyaryo at iyon nga ang nginuya ni Taniboy (hindi ko pa alam noon na masama pala sa kalusugan ang pagkain ng papel, lalo na kung walang sawsawan) at ipinang-sumpit kay Bunso. Nang matapos ang labanan at lumabas mula sa eskinita sina Bunso at Buroy, para silang mga dressed chicken na nagka-chicken pox. At iyon na nga ang naging simula ng aming awayan – walang katapusang batuhan, habulan, suntukan at siyempre spitting (inedit ko na, nakakadiri kasi talaga) – na natapos lamang nang sila ay lumipat na ng bahay.
May isa pang grupo ng magkakapatid na madalas ay amin ding nakakalaro, kahit ayaw nila kami kalaro. Sila ay sina Ritang Beke, Noneng Palaka at Pepeng Tahong (actually, kami lang magkapatid ang nagbansag nun sa kanila). Si Rita ang mas matanda na palaging may bitbit na sanggol na kapatid at palaging asul ang pisngi dahil sa tina (blue dye) na sa likod ng tenga nya na gamot daw sa beke. Sumunod sa kanya si Noneng na komang na ay kuba pa ang dibdib at madalas din may beke kaya tinawag siyang palaka. Panghuli si Pepeng na laging namumutiktik ang ilong sa natuyong sipon at lagi naming nakakalaro ng piko at kalog-tansan, at palaging nakapalda pero walang suot na panty. Kaya kapag nagkakalog-tansan kami ay madalas sinasadya namin na mapunta ang tansan sa loob ng palda nya para umuwi muna sya at magsuot ng short. Pagbalik niya ay nakasuot na nga siya ng short… na butas. Kaya aasarin na naman namin siya hanggang sa magsawa na siyang makipaglaro. Ganoon kami palagi, makikipaglaro, mangaasar tapos ayawan na. Kahit na lumipat na kami ng bahay, nagkikita pa rin kami nila Rita dahil malapit lang sila sa nilipatan namin. Pero kapag nagkikita kami, hindi nila kami pinapansin magkapatid, dahil Noneng Palaka at Pepeng Tahong pa rin ang tawag namin sa kanila.
Ang pinaka-madalas naming ‘kalaruin’ noon ay si Allan Potpot (minsan Allan Liit o Allan Galis ang tawag namin) isang batang punong-puno ng galis-aso ang katawan (eww!) at madalas ay may tumutulong condensada sa tenga (yuck!). Ayaw naming siya kalaro dahil talaga namang parang may nakatapak ng TNT (tunay na bleep-bleep) tuwing nandyan siya, pero dahil naawa ang nanay ko sa kanya at sa kapatid nyang si Jasmin – na isang mestiza ngunit sipuning bata na nagsusugat na ang ilong sa pag-up and down ng sipon – wala kaming magawa kundi papasukin sila sa sala para makinood ng Carebears, He-Man, Voltez-V o Voltron. Tuwing mangyayari yon, miserable ang buhay naming magkapatid hindi lang dahil sa amoy na tinitiis namin kundi sa pandidiri sa kakaibang habit ni Potpot na gawing popcorn ang kanyang dried skin wounds (major yuck!!!). At siyempre, hindi kami papayag na kami lang ang miserable, sila din dapat (nyahahaha-hak!). Kaya, habang nagluluto si Nanay sa kusina at kami ay nakaupo sa sofa, pinagmamasdan naming mabuti ang dalawang kapitbahay at pinaplano ang mga susunod na galaw. Kukuha ng tingting ng walis si Taniboy at lalagyan ng upos (cigarette butt) ang dulo, at dahan-dahan isusulot sa tenga ni Potpot. Maiinis sila at magagalit pero hindi pa rin sila aalis. Kapag wa epek ang upos, kukuha kami ng pulbo at paliliguan sila sa ulo. Kung hindi pa rin effective, titiradurin namin sila ng hilaw na alatris o kaya ay magtatatakbo at magsasasayaw sa harap ng TV o kaya ay papatayin na naming tuluyan ang TV, kaya aalis na sila (tagumpay!).
Paglabas ni nanay mula sa kusina, magugulat na wala na sina Allan at Jasmin, at sasabihin naman namin na ‘tapos na po kasi ang palabas.’ Pero hindi naman naming palaging sinasalbahe ang magkapatid. Minsan ay kusa din namin sila tinatawag para makalaro (kapag inayawan na kami kalaruin nila Buroy, Bunso, Rita, Noneng at Pepeng) at kapag ayaw nila ay bibili kami ng bente-singkong cherry balls (5 piraso ang singko noon) at bibigyan sila, o kaya naman ay papainumin sila ng sago’t gulaman na ginawa ni Nanay. Papayag na ang magkapatid, yun nga lang, kami ang bida at sila ang mga kalaban kaya bugbog na naman sila. Natapos lang ang kanilang kalbaryo nang kami ay lumipat na nga ng bahay.
Huli kaming nagkita ng mga kalaro namin sampung taon na ang nakalipas. Alam ko na hindi nila kami na-miss man lang, maliban sa mga cherry balls, ET (chichirya na may papremyong pera at laruan sa loob), Pee Wee at Nips na naibibigay namin sa kanila. Pare-pareho kami nagkahiyaan sa aming muling pagtatagpo – kami ay hindi nakalapit sa kanila dahil sa mga masasamang ginawa namin noon, at sila naman ay hindi makalapit sa amin dahil marahil sa takot na i-bully na naman namin sila.
Aaminin kong habang sinusulat ko ito ay natatawa ako sa aming mga kalokohan. Pero matagal ko na naisip na mali ang mga ginawa namin noon. Hindi man ako nakahingi ng tawad sa aming mga naging kalaro, at least inamin ko pa rin sa sarili ko na hindi tama ang mga ipinakita namin sa kanila. Kung mababasa lang nila ang post na ito, may message ako para sa lahat ng mga pinaglaruan naming kalaro: Salamat. Salamat dahil kayo ang naging praktisan namin sa buhay. Kayo ang naging inspirasyon namin para magtagumpay. Hindi na kami nangbu-bully ngayon, pero hindi naman kami nagpapabully (subukan lang!).
Kaya ang moral lesson ng kwento natin ngayong araw: Upang magtagumpay, huwag manlulugi o manlalamang pero huwag din naman magpapalugi sa iba. Bata pa ay magpraktis na. Siguraduhin nyo lang na hindi kayo ang pagpapraktisan.
No comments:
Post a Comment