MEENATAUR'S PITHOS

Wednesday, April 27, 2011

Pangngalan: BOKA-BOKA AT SARANGGOLA



Noong bata pa ako, madalas ako maglaro ng boka-boka. Yun lang kasi ang pwede ko paliparin dahil hindi ako puwedeng umakyat sa bubong ng aming bahay at magpalipad ng saranggola dahil babae daw ako (isa sa mga turo ni nanay). Ang dalawang kapatid kong lalaki ay palaging namumutiktik sa pawis at nagaamoy-kabayo dahil sa  katatakbo habang nakikipag-kalembangan sa ibang bata (kalembangan - nakikipagkiskisan ng sinulid ng saranggola, ang maunang mapatid, talo), habang ngawit na ngawit naman ang leeg ko sa katatanaw ng mga nagtatayugan nilang saranggola (na ang ginagamit na kiling ay ang cherryball na wala ng tamis na iniluwa ko).

Pero hindi ako natutuwa magboka-boka dahil madali itong masira, gawa lang kasi sa papel (na kadalasan ay pad paper) na tinupi-tupi at nilagyan ng sinulid. Sa oras na ihagis ko ito, ilang segundo lang na lulutang-lutang pagkatapos ay mahuhulog na uli sa lupa. Minsan naman, kapag malakas ang hangin ay sira agad. Kaya't kapag nakatulog na ang nanay ko, kakaripas na ako ng takbo para magpalipad na rin ng saranggola.

Isang hapon, noong grade 5 na ako, nagpapalipad ulit kami ng dalawang kapatid ko ng saranggola sa isang bakanteng lote malapit sa aming bahay. Nakikipagpustahan kami noon ng kalembangan. Bilang mabuting ate, sumusuporta ako sa aking mga kapatid. Pinagsama-sama namin ang mga nakupit na singkwenta sentimos at pinambili ng leteng, glue at itlog.Tinulungan ko silang patibayin ang leteng ng aming pambatong saranggola, minarinate namin sa mixture ng glue, puti ng itlog at dinurog na fluorescent lamp. (Hindi ko pa alam noon kung gaano kadelikado ang ginagawa namin. Salamat na lang at buo pa naman ang mga daliri namin hanggang ngayon.)

At ito na nga, masusubok na ang tapang ng aming pambato. Bilang pinakamatangkad, ako ang tagahagis ng saranggola. Buong lakas ko ibinato ang saranggola pataas, sa sobrang lakas parang naihi ako. Kumaripas na naman ako pauwi sa bahay upang magbanyo muna at babalik din agad upang i-cheer ang mga kapatid ko sa kanilang 'laban.' Kaya lang, hindi na ako nakabalik at nakita kung paano kumalembang ang saranggola ng mga kalaban dahil pagdating sa banyo, natakot ako sa aking nakita. Tinawag ko agad ang nanay ko at ipinakita ang kinatatakutan. Ang sabi lang nya ay dalaga na raw ako. Hindi na pwede magtatakbo, hindi na pwede magbuhat ng mabigat, hindi na pwede makipaglaro sa ibang batang lalaki at marami pang ibang bagay na hindi na pwedeng gawin.

At iyon na nga ang huli kong pagpapalipad ng saranggola. Balik boka-boka na lang ulit ako.

Dahil ito ay unang leson natin sa Filipino, wala muna tayo pagsusuri, seatwork lang. Kaya kunin ang kwaderno at isulat ang lahat ng pangngalang makikita sa kwento sa itaas. Bilis na!
(Photo courtesy of craftzine.com)

No comments:

Post a Comment