MEENATAUR'S PITHOS

Thursday, April 28, 2011

SIMUNO AT PASIMUNO: Ang Wonder Ate


Wonder Woman
(image courtesy of tvacres.com)
Hindi normal ang aking pagkabata. Lumaki ako na maraming bawal – tumalon, lumundag, lumukso, tumakbo, tumambling, umakyat sa puno ng alatris, mag-chinese garter, mag-aylabyu tilibert, mag-shake shake shampoo at marami pang ibang larong pisikal at may pisikalan. 

Santan

Naikwento ko na ang tungkol sa paglalaro ko ng boka-boka. Isa lamang iyon sa mga pwede kong laruin, kasama ng iba pang ‘mahinahon’ gawain tulad ng paggawa ng palobo (bubble mixture) mula sa dinikdik na gumamela at tide, makipag-sumpitan ng munggo sa mga anak ni Aling Lydiang-sapi (isang bungangerang kapit-bahay na parang laging sinasapian ng masamang ispiritu), manirador ng mga nakakulong at kaawa-awang manok na panabong ni Mang Jaime (mga bata, bad yun!), magdala ng walis tingting habang nag-aabang ng dadapong tutubi (napakadaling makahuli ng tutubing karayom1 (damselfly pala sa English) ngunit napakahirap naman humuli ng tutubing pula at tutubing kalabaw (dragonfly), maghanap ng santan at sipsipin ang nektar, magpalobo ng Bazooka bubble gum (at pagkatapos ay idikit sa buhok ng kaaway kapag wala ng tamis, hehehe!), gumawa ng kwintas at pulseras na gawa sa dahon ng kamoteng-kahoy (na minsan ay ginagamit din pangkulot ng buhok), magkabit ng hikaw na gawa naman sa dahon ng kaimito, manghuli ng gagamba at paglabanin sa tingting, magpatanggal ng kuto at lisa kay nanay at Aling Gonyang at marami pang ibang mapaglilibangan na hindi ako kailangang pagpawisan.
 
Maraming ipinagbabawal na laro sa akin hindi dahil sa suminghot ng solvent ang nanay ko at pinagtritripan lang ako, kundi dahil sa isang sakit na tinatawag na epistaxis o pagdurugo ng ilong. Hindi balinguyngoy (na nangyayari lamang tuwing mainit) ang tawag sa kondisyon ko. Ang kalagayan ko ay dala ng pagkasira ng mga ugat sa aking ilong dahil sa ilang mga aksidente na kagagawan ng kapatid ko. Oo, wala akong ibang masisi kundi ang kapatid ko (maliit pa ang bunso namin noon kaya hindi pa namin siya nakakalaro).

Isang taon lang ang tanda ko sa kanya at kami ay palaging magkasama dahil number 1 fan ko sya. Bilib na bilib siya sa lahat ng ginagawa ko at lahat naman ng ipinagagawa niya ay ginagawa ko (of cors, Ate nga ako kaya kinakaya ko lahat). Incident 1: Minsang kumakain kami ng mani, ipinagyabang ko sa kanya na kaya ko ipasok sa loob ng ilong ko ang isang butil. Siyempre, hindi ako tumanggi noong hinamon nya ako. Sa kasamaang-palad, hindi ko na mailabas ang butil kaya’t dinala na ako ni nanay sa ospital. Incident 2: Pagkalipas ng isang taon, ipinamalas ko ulit sa kanya ang aking kahusayan nang ipasok ko na naman ang bead ng ponytail sa ilong ko. Nailabas ko naman ang bead, pero halos kalahating-araw na dumudugo ang ilong ko. Incident 3: Matagal na kami may secret magkapatid, dahil inamin na niya sa akin na siya si Kapitan Kidlat at inamin ko naman sa kanya na ako si Wonder Woman at ipinakita ko pa ang costume na nakatago sa drawer ng aparador. Kaya isang umagang maglalaro ng basketball si tatay ay sumama kami. Para mapanood ang laro ni tatay, tumuntong kami sa stage na ginawa para sa mga announcer ng liga na ginaganap sa gabi. At dahil mataba ang utak ng kapatid ko, naisip niya na iyon ay pagkakataon para patunayan ko sa kanya na ako nga si Wonder Woman. Pinatatalon niya ako mula sa stage hanggang sa ibaba na nasa 10-12 feet ang taas! Kahit nalulula, umikot-ikot muna ako bago tumalon, kaya tumama ang noo ko sa semento pagbagsak dahil sa pagkahilo. At muli na namang dumugo ang ilong ko nang walang humpay.

At doon na nga nagsimula ang aking kalbaryo. Sa tuwing maaalog ang ulo ko, dumudugo ang ilong ko (pero naging henyo naman ako dahil sa pagkabagok). Hanggang noong high school, madalas pa din ako mag-nose bleed, hindi lang dahil sa kakaibang kondisyon ko, kundi dahil na rin sa mga polynomials, tangents, velocity at maraming pang ibang kailangang i-compute. Hindi naman ako nagsisisi sa mga insidenteng nagpatunay na ako ay isang mabuting Ate. Kaya ako pa rin si Wonder Woman hanggang ngayon - maganda, matapang, mabait, matulungin at higit sa lahat, seksing-seksi…

Anong eeewwww? Walang kokontra! Ang kumontra hindi exempted sa pagsusulit ngayong araw tungkol sa simuno, ang gumagawa ng kilos at gawa o pinaguusapan sa pangungusap.

Tutubing Karayom
(image courtesy of focusonnature.com)

1 may kanta ako habang nanghuhuli ng tutubing karayom para hindi sila lumipad palayo: “Tutubing karayom, nahulog sa silong, tinuka ng ibon, natira’y bulutong.” Effective yan. Try mo. 

5 comments:

  1. hahaha ang kulit sinisi pa ung kapatid nya haha..nakakalungkot lang isipin na ang mga simpleng kasiyahan ng isang bata nuon ay ndi na kagaya ng kasiyahan na gusto ng mga bata ngaun..nuon dalawang stick lang na mahaba at maigsi pwede ka na maglaro ng siyato..in short mas maswerte ang mga magulang nuon kesa ngayon haha kasi tipid sila not like mga parents ngaun dami na needs ng bata para sumaya andyan na psp,computer,mga mamahaling laruan di kagaya nuon balat lang ng saging pampiko na..tsk tsk tsk

    ReplyDelete
  2. iba na rin kasi ang demands ng buhay ngayon, kaya ibang training na rin ang dapat sa mga bata... ang mga bata ngayon kailangan ready sa buhay pagkatapos ng schooling...

    ReplyDelete
  3. ahahaha! ang totoo nakareleyt ako! halos parehas tayo ng pinagkaabalahan nung bata ako. napakaliit talaga ng mundo, pati sa pagdurugo ng ilong, parehas tayo. sakit ko rin yan. pero di ko talaga makakalimutan kung paano mong pinadudugo ang mga ilong namin kapag nag-iingles ka na sa klase natin noon. =)

    ReplyDelete
  4. ang kulet ni wonder ateng!!!! heheheh buti pa dito pwede magtagalog...:)

    ReplyDelete
  5. kulay always flatters, meenataur is blushing from head to toe... what i know is that rosarians are talented, right ely?

    ReplyDelete